Muling nagsagawa ng malawakang pag-atake ang Russia sa Ukraine noong Biyernes ng gabi gamit ang humigit-kumulang 580 drones at 40 missiles, ayon kay Pangulong Volodymyr Zelenskyy.
Tatlong katao ang nasawi at dose-dosenang iba pa ang sugatan, habang maraming imprastraktura at tirahan ang napinsala.
Ayon sa Ukrainian Air Force, 552 drones at 31 missiles ang nasabat ng depensa ng himpapawid.
Kabilang sa nasawi ang dalawang tao sa mga rehiyon ng Chernihiv at Khmelnytskyi, at isa sa lungsod ng Dnipro matapos tamaan ng missile na may dalang cluster munition.
Mariing kinondena ni Zelenskyy ang pag-atake at sinabing hindi ito militar na pangangailangan kundi taktika ng terorismo laban sa mga sibilyan.
Samantala, gumanti rin ang Ukraine sa pamamagitan ng drone strikes na tumama sa dalawang oil refinery sa Saratov at Samara sa loob ng Russia.
Nagsagawa rin ng monitoring ang Poland at mga kaalyadong pwersa matapos lumapit ang ilang pag-atake ng Russia sa hangganan ng NATO member state.