Tuguegarao City- Negatibo sa novel coronavirus ang tatlo sa 13 na indibidwal na kabilang sa listahan ng Persons Under Investigation (PUI).
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Pauline Atal ng Department of Health (DOH) na nakalabas na ang tatlo sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) matapos ilabas ng research institute for tropical medicine (RITM) na upper respiratory tract infection ang tumama sa mga ito.
Ayon kay Atal, ang isa sa mga ito ay ang OFW na galing sa Hongkong at mula sa bayan ng Enrile habang ang dalawa sa kanila ay ang mag-inang umuwi ng Tuguegarao City na nagbakasyon galing Hongkong.
Sa ngayon ay mayroon pang 10 na nasa isolation room sa ibat-ibang pagamutan sa rehiyon at hinihintay pa rin ng mga otoridad ang resulta ng ginagawang pagsusuri sa mga ito.
Samantala, sinabi pa ni Atal na 18 na mga indibidwal din sa rehiyon ang kinukonsiderang Persons Under Monitoring (PUM) na naka self-quarantine at mahigpit na minomonitor ng mga municipal health officials.
Ang mga Persons Under Monitoring (PUM) ay ang mga indibidwal na galing sa mga bansang may kaso ng nCoV at sasailalim sa 14 days home-quarantine para masuri kung may senyales ng naturang sakit.
Muling tiniyak ng DOH na gagawin lahat ng kanilang tanggapan ang mga hakbang at mga preventive messures para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa banta ng 2019 novel coronavirus.
Pinawi naman ng DOH ang pangamba ng publiko sa naturang sakit dahil wala pang naitatalang kaso ng NCOv sa rehiyon.