Tuguegarao City- Tatlong species ng ‘giant cloud rats’ o mga daga ang nadiskubre sa nagpapatuloy na pag-aaral sa mga nahukay na fossils sa Callao Caves sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Janine Ochoa, Assistant Professor ng Anthropology ng UP Diliman, sinabi niya na taong 2017 pa ng simulang pag-aralan ng grupo ni Professor Armand Mijares, na siyang nanguna sa paghuhukay sa Homo Luzonensis ang mga nahukay na mga fossils mula sa iba’t ibang mga kuweba sa Hilagang Luzon.
Base sa isinagawang pag-aaral sa mga nahukay na ngipin ng malalaking daga na may local name na ‘Buot’ ay mga species ng Crateromys, Carpomys, at Batomys na naging extinct na.
Pinaniniwalaang nabuhay ang mga Buot kasabay ng mga Homo Luzonensis na itinuturing na pinakamatandang human species sa buong bansa na nadiskubre sa Callao Cave.
Batay sa pananaliksik, sinabi ni Ochoa na ito ang pinakamatandang fossils ng mga Buot na natagpuan sa probinsya ng Cagayan na may makapal, mabalahibong buntot at may kapansin-pansin na kulay.
Bagamat may mga nabuhay pang Buot sa kasalukuyan ay sinabi ni Ochoa na ibang klase o species na ito na matatagpuan pa rin sa Cagayan at sa bahagi ng Cordillera.