Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa isang motorcycle rider na nagtangkang tumakas sa isang checkpoint na nagresulta sa pagkakasugat nito, kabilang ang kanyang angkas at isang pulis sa lungsod ng Tuguegarao.
Kaagad namang nahuli ang suspek na kinilalang si Ryan Danguilan, 21-anyos ng Barangay San Roque, Peñablanca.
Sinabi ni P/Cpt Magno Catubag, team leader ng chekpoint na unang nasita ang suspek dahil sa hindi pagsusuot ng helmet habang nagpapatakbo ng motorsiklo sa kahabaan ng Enrile Boulevard, kasama ang angkas na isang 17-anyos na babae na wala ring helmet.
Sa halip na huminto para sa beripikasyon ay pinaharurot pa umano ni Danguilan ang minamanehong motorsiklo patungo sa direksiyon ng Peñablanca kung saan muntikan pang mahagip si Catubag.
Kaagad namang rumesponde si PCMS Napoleon Tabbu at sinubukang pahintuin ang motorsiklo subalit nahagip siya na nagresulta sa kanilang pagkatumba.
Pawang nagtamo ng mga galos sa katawan ang tatlo na kaagad binigyan ng paunang lunas.
Katwiran ng suspek, nataranta siya sa checkpoint at aminado sa kanyang mga paglabag sa di pagsusuot ng helmet, kawalan ng lisensya at wala ring maipakitang dokumento ng motorsiklo.