Nasawi ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki matapos magulungan ng isang road grader sa Barangay Umilig, Buenavista, Guimaras nitong Miyerkules, Hulyo 30, 2025.
Batay sa ulat, ang biktima ay angkas ng kanyang ama sa motorsiklo habang binabaybay ang isang kalsada sa naturang barangay.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, huminto ang mag-ama upang bigyang-daan ang kasalubong na road grader.
Sa hindi inaasahang pangyayari, nakaapak ng bunga ng niyog ang ama na naging sanhi ng pagkawala ng balanse at pagkakatumba ng motor.
Sa pagkakatumba, napunta sa gilid ng kalsada ang bata at aksidenteng nagulungan ng road grader.
Agad itong isinugod sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng road grader habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.