Patuloy pa rin ang pag-iral ng shear line, easterlies, at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa bansa ngayong Linggo.

Base sa tala ng weather bureau kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands.

Malaki rin ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Inaasahang magdadala ang ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, Sultan Kudarat, South Cotabato, at Sarangani.

Pinag-ingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, malaki rin ang tsansang magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayang anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).