TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa swab test ang nasa 30 na mga nagsipagtapos ng agriculture related courses na makakatanggap ng libreng lupain mula sa Department of Agrarian Reform (DAR)-R02.
Luluwas umano kasi ang mga ito sa Metro Manila kung saan doon isasagawa ang awarding ng Certificate of Land Ownership Award O CLOA kasabay ng pagpapasinaya sa Administrative Order No 3 Series of 2020 o Awarding Agricultural Lands to Qualified Graduates of Four Year Degrees in Agricultural or in Related Fields for their Economic Empowerment and the Growth of the Nation.
Sumailalim din sa swab test ang ilang kawani ng ahensya na kasama ng mga benepisaryo para sa awarding na gaganapin sa ika-lima ng Pebrero.
Ang naturang programa ng DAR ay bilang tugon sa kakulangan ng bilang ng mga magsasaka at kumukuha ng agri-related courses kung saan ang mga lupain na ito ay matatagpuan sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.
Samantala, pansamantalang isinara ng sampong araw ang tanggapan ng DAR Regional Office no. II at DAR Cagayan Office matapos makapagtala ng tig-isang kawani na positibo sa COVID 19.
Nagsimula ang lockdown sa regional office nitong unang araw ng Pebrero na magtatagal hanggang ika-10 habang sa provincial office ay nagsimula ngayong araw, Enero 2,2021 na magtatagal hanggang ika-11 ngayong buwan.
Layunin nito na makapagsagawa ng contact tracing at disinfection.
Nakawork from home naman ang mga kawani ng ahensya at maari paring makipag-ugnayan ang mga kliyente sa pamamagitan ng social media. with reports from Bombo Efren Reyes Jr.