Umakyat na sa 30 ang naitalang namatay sa gitna ng mga pagbaha at iba pang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at tropical cyclones Crising, Dante, at Emong.

Sinabi ni Office of the Civil Defense officer-in-charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, sa nasabing bilang, ka-tatlo na ang validated.

Kabilang dito ang siyam na namatay sa National Capital Region (NCR) at dalawa sa Region III.

Karamihan sa mga namata ay dahil sa pagkalunod at pagkakakuryente.

Samantala, 10 ang naitalang nasugatan at pito ang nawawala.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Alejandro na nasa 5.2 million na indibidual ang apektado ng sama ng panahon sa 5,900 barangays.

Ayon sa kanya, nasa 55,000 pamilya o nasa 200,000 indibidual ang nananatili sa evacuation centers.

Sinabi pa ni Alejandro na sarado pa ang Kennon Road sa Benguet dahil sa landslides.

Ayon sa kanya, marami pang lugar ang binabaha, karamihan ay sa Region III, Region 1, at NCR.

Sinabi niya na 22 national roads ang hindi pa madaanan.

Sa imprastraktura naman, sinabi ni Alejandro na umaabot na ang pinsala sa P5.2 billion, habang sa agrikultura ay P1.1 billion.

Umaabot naman sa 21 lugar ang naiulat na walang suplay ng kuryente, karamihan ay sa La Union at Pangasinan.

Samantala, sinabi ni Alejandro na magdadala ng relief goods ang mga helicopter sa mga liblib na lugar na apektado ng kalamidad kung maganda na ang panahon.