
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Signal No. 1 sa tatlumpung lugar habang bahagyang bumilis ang kilos ng Tropical Depression Verbena.
Sa Luzon, kabilang sa mga nasa Signal No. 1 ang Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, at ilang bahagi ng Palawan gaya ng Araceli, Taytay, El Nido, Dumaran, Roxas, San Vicente, at Puerto Princesa City, kabilang ang Calamian, Cuyo, at Cagayancillo Islands.
Apektado rin ang Mainland Masbate kabilang ang mga bayan ng Balud, Mandaon, Milagros, Cawayan, Placer, Pio V. Corpuz, Esperanza, Uson, Dimasalang, Masbate City, Mobo, Palanas, Aroroy, Cataingan, Baleno, at iba pa.
Sa Visayas, nasa ilalim pa rin ng signal ang Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Cebu, Bohol, Samar, Eastern Samar, Biliran, Leyte, at Southern Leyte.
Sa Mindanao naman, kabilang ang Dinagat Islands, Surigao del Norte at Surigao del Sur, Agusan del Norte at Agusan del Sur, Camiguin, Misamis Oriental, hilagang bahagi ng Bukidnon, hilagang bahagi ng Misamis Occidental, at hilagang bahagi ng Zamboanga del Norte.
Sa pinakahuling monitoring, namataan ang sentro ng bagyo sa paligid ng Talisay, Cebu taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 55 km/h at pagbugsong hanggang 90 km/h. Kumikilos ito pa-Northwest sa bilis na 25 km/h.
Inaasahang tatawirin ni Verbena ang Visayas at hilagang bahagi ng Palawan hanggang Martes bago lumabas sa West Philippine Sea pagdating ng Miyerkules ng umaga.
Posible itong kumurba pa-kanluran at dumaang hilaga ng Kalayaan Islands bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility pagsapit ng madaling-araw ng Huwebes.
Nanatiling tropical depression ang sistema habang tumatawid sa Visayas ngunit may posibilidad na maging tropical storm bago marating ang northern Palawan o pagdating nito sa West Philippine Sea, at posibleng umabot pa sa severe tropical storm category habang nasa gitna ng dagat sa hilaga ng Kalayaan Islands.










