Ipinagmalaki ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mataas na bilang ng mga “persons deprived of liberty” (PDL) na nakapagtapos sa ilalim ng programa ng Department of Education (DepEd) na Alternative Learning System (ALS).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni BMJP-Community Relations Service (CRS) chief Senior Insp. Xavier Solda, na nasa 20% hanggang 30% na mga PDL sa buong bansa ang nabebenepisyuhan taun-taon sa ALS program ng gubyerno habang sila ay namamalagi sa kani-kanilang detention cell.

Ayon kay Solda, maituturing nang nakapagtapos sa elementarya o high school ang mga makakapasa sa equivalency test kapalit ng makukuhang DepEd certificate na maaaring gamitin ng mga PDLs para sa susunod na lebel kahit na nasa loob o labas na sila ng piitan.

Maliban sa ALS ng DepEd, maaari ding kumuha ang mga PDLs ng hiwalay na basic vocational technical education sa ilalim ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) ng gubyerno.

Samantala, muli ding ipinaalala ni Solda sa mga PDLS na laging magpakita ng good behavior sa loob ng bilangguan.

-- ADVERTISEMENT --

—with reports from Bombo Efren Reyes, Jr