Tinatayang aabot sa 30,000 katao ang makikilahok sa isasagawang “Trillion Peso March” sa EDSA sa Setyembre 21 bilang protesta laban sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.

Kabilang sa mga sasama sa kilos-protesta ang simbahan, mga organisasyong sibiko, at mga grupo ng kabataan at estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad.

Ayon sa organizers, sisimulan ang araw sa pamamagitan ng isang ecumenical mass sa People Power Monument sa ganap na 9 a.m., bago ang pangunahing programa mula 2 p.m. hanggang 6 p.m.

Inaasahang magmamartsa ang mga delegado mula EDSA Shrine at Temple Drive patungong People Power Monument.

Nakipagkasundo rin ang mga organisador sa ilang religious at civic groups, gayundin sa Quezon City Police District, upang matiyak ang maayos, mapayapa, at ligtas na pagtitipon.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigpit na ipatutupad ang crowd management, sanitation measures, at safety protocols.

Magkakaroon ng mga portalet mula sa MMDA, medical teams mula sa barangay, at mga security marshal mula sa iba’t ibang alyansa. Pinagbawal din ang paggamit ng bottled water at tiniyak ang post-rally cleanup operations.

Pinili ang Setyembre 21 bilang petsa ng protesta upang ipaalala ang deklarasyon ng batas militar noong 1972 at ikonekta ito sa panawagan laban sa katiwalian at pang-aabuso sa kasalukuyan.