Sugatan ang isang 23-anyos na tindera ng gulay matapos barilin ng isang 31-anyos na lalaki sa ulo sa Purok 4, Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal noong Biyernes ng gabi, Enero 16.

Batay sa imbestigasyon, naka-livestream ang biktima nang biglang lumapit mula sa likuran ang suspek na may suot na sumbrero at facemask at malapitan siyang pinaputukan sa ulo, dahilan upang bumagsak sa kalsada ang tindera.

Ayon sa mga saksi, narinig nila ang putok ng baril at agad na nagtakbuhan, habang may ilan ding nag-abang ng sasakyan ngunit natakot na lumapit. Matapos ang pamamaril, kaswal na naglakad palayo ang suspek bago sumama sa isang nakamotor na kasama.

Nadaplisan ang biktima ng bala mula sa kalibre .45 at agad dinala sa ospital sa Pasig City, kung saan siya ngayon ay nasa ligtas na kalagayan at nagpapagaling.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya nitong Sabado ng umaga, nahuli ang suspek sa Angono, Rizal.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa pulisya, ang lalaki ay dating kinakasama ng may-ari ng tindahan kung saan nagtatrabaho ang biktima at diumano’y nagalit at nainggit nang hiwalayan ng dating kasintahan.

Mariing pinabulaanan ng suspek ang mga alegasyon laban sa kanya.

Kasalukuyang nakapiit sa Taytay Police Station ang suspek at haharap sa kasong frustrated murder.