Magpupulong bukas, araw ng Martes ang Schools Division Office o SDO-Tuguegarao, kasama ang mga stakeholders kaugnay sa panunumbalik ng face to face classes sa Lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Schools Division Supt. Reynante Caliguiran ng SDO-Tuguegarao na isasapinal na bukas ang listahan ng mga public schools sa Lungsod na posibleng lalahok sa expansion ng face-to-face classes sa buwan ng Marso.
Sinabi ni Caliguiran na 31 mula sa 35 public schools ang 90% nang handa para sa kanilang “school safety assesment tool”.
Ang nalalabi namang apat na paaralan ay kailangan pang ayusin dahil ginamit ito bilang quarantine facility.
Sa nasabing pulong ay aalamin din ang ilan pang kakulangan pa ng mga paaralan sa pagsasagawa ng in-person classes kung saan magbibigay ang SDO at LGU ng pinal na technical assistance.
Maliban sa kahandaan sa pagtuturo, tiniyak ni Caliguiran na nakalatag rin ang health protocols at contingency plan sakaling may magkasakit o makaramdam ng COVID symptoms.
Inirerekomenda rin aniya nila na tanging mga bakunadong guro at mga non-teaching personnel lamang ang papayagang lumahok sa face-to-face classes.
Mas mainam rin aniya kung mga bakunadong estudyante lamang rin ang lalahok dito.
Siniguro rin naman ni Caliguiran na patuloy pa rin ang framework ng shared responsibility at mananatiling requirement sa pagsasagawa ng in-person classes ang pagsang-ayon ni Mayor Jefferson Soriano at pahintulot ng mga magulang at mga kinaukulang ahensya.