Planong isailalim sa adoption at family reintegration ang 32 bata na nasa shelters na pinopondohan ng Kingdom of Jesus Christ (KJC), na na-freeze ang mga assets nitong nakalipas na buwan.
Ito ay matapos na kasuhan ang founder ng KJC na si Apollo Quiboloy ng child abuse at human trafficking.
Sinabi ni Social Welfare Assistant Secretary Janet Armas, ang mga lisensiya ng limang shelters ng Children’s Joy Foundation Inc. (CJFI)ay hindi na-renew dahil bigo ito na maabot ang financial requirements para sa kanilang operasyon.
Matatandaan na ipinag-utos ng Court of Appeals noong August 6 ang 20-day freeze sa mga bank accounts, real state properties at affiliated companies, kabilang ang CJFI ni Quiboloy.
Pinalawig ito ng hanggang February 2025, na nagbunsod para tanggihan ng DSWD ang accreditation ng mga nasabing shelters.
Ayon kay Armas, kailangan na i-renew ng children’s shelter kabilang ang CJFI ang kanilang government accreditation kada tatlong taon.
Sa mga nasabing taon, nagkakaroon ng inspection upang matiyak na nakakatugon ang mga ito sa mga itinakdang standards.
Sinabi ni Armas na dahil walang license to operate, ang 32 bata sa pangangalaga ng CJFI ay kailangang ilipat sa ibang accredited shelters o sa care facilities ng DSWD.
Kaugnay nito, sinabi ni Armas na sa kabila ng mga alegasyon laban kay Quiboloy, maaaring bigyan ng accreditation ang CJFI dahil wala namang nakita na kaso ng pang-aabuso sa nasabing shelter.