5ID Philippine Army

TUGUEGARAO CITY-Nagsimula na ngayong araw, Hulyo 13, 2021 ang anim na buwang basic soldiery at military training ng 326 na bagong recruit ng 5th Infantry Division, Philippine Army.

Ang mga bagong recruit ay bahagi ng Candidate Soldier Course Class 671 at 672- 2021 kung saan isasagawa ang pagsasanay sa Division Training School ng 5ID.

Kaugnay nito, nagpaabot si Major Gen. Laurence Mina, Commander ng 5ID na siya ring nagsilbing pangunahing pandangal ng kanyang pagbati sa mga bagong recruit maging sa mga magulang na nagbibigay ng suporta sa mga anak.

Bagamat hindi personal na nasaksihan ng mga magulang ang reception rites ng mga kandidatong sundalo o pagpasok ng kanilang mga anak sa training center labis pa rin ang pasasalamat ni Mina sa mga ito dahil sa kanilang pagbibigay tiwala sa mga pamahalaan.

Ipinaliwanag ng heneral na ang isasagawang training sa loob ng anim na buwan ay upang maihanda at maimulat sa mundo ng Hukbong Katihan ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Mina na makatutulong din ang gagawing training para hubugin ang kanilang kaisipan, pagkatao at magsisilbing pundasyon upang maging isang propesyonal at world class na sundalo.

Nabatid na mula sa bilang ng mga bagong recruit, 84 ay nanggaling sa probinsya ng Isabela, 83 sa Cagayan, 80 mula sa Kalinga, 18 sa Mt. province, 17 sa Ifugao, siyam ang nagmula sa Apayao, tig-lima sa mga probinsya ng quirino at Nueva Vzcaya, apat ay Nueva Ecija, tig-tatlo mula sa North Cotabato at Ilocos Norte, tig-dalawa sa mga probinsya ng Tarlac at La Union habang tig-isa naman sa Ilocos Sur, Cavite, Bukidnon, Bataan, Bulacan, at Zambonga Del Sur.