TUGUEGARAO CITY-Huli ang 33 katao matapos iligal na nangingisda sa karagatang sakop ng bayan ng Buguey, Cagayan.
Ayon kay P/Capt. Joel Labasan , Chief of Police ng PNP-Buguey, ipinagbigay alam ng ilang concerned citizen ang pagpasok ng mga mangingisda na mula sa bayan ng Gonzaga sa karagatang sakop ng Buguey, sakay ng dalawang malalaking bangka.
Dahil dito, hinuli ang mga mangingisda sa paglabag sa Municipal ordinance ng naturang bayan na tanging ang mga mamamayan lamang ng Buguey ang maaaring mangisda sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Sinabi ni Labasan na bagamat nasa 40 katao ang lulan sa dalawang bangka, 33 lang ang hinuli dahil ang iba ay kabilang sa PWDs o Persons with disabilities.
Nakuha sa grupo ang dalawang malalaki at tatlong maliliit na bangka na ginagamit ng mga ito sa pagdala sa pampang ng kanilang mga nakukuhang isda at ilang gamit sa pangingisda.
Nabatid na pinakabata sa mga nahuli ay may edad 16 at ang pinakamatanda ay 67-anyos.
Sa ngayon, pansamantalang nakalaya ang mga mangingisda matapos makapagpiyansa ng tig-P1,000.