Nasawi ang 34 katao habang patuloy na pinaghahanap ang hndi baba sa 200 na nawawala matapos ang biglaang malakas na pagbuhos ng ulan sa Chasoti, isang bayan sa distrito ng Kishtwar sa Indian Kashmir, nitong Huwebes, Agosto 14.

Ayon sa mga opisyal, tinamaan ng pagbaha ang isang community kitchen at security post na itinayo para sa mga deboto sa isang popular na ruta ng pilgrimage.

Maraming deboto ang nasa lugar upang kumain nang biglang rumagasa ang baha, dahilan para tangayin ang ilan sa kanila.

Ayon kay Ramesh Kumar, divisional commissioner ng Kishtwar, agad na rumesponde ang lokal na pulisya, disaster response teams, pati na rin ang hukbong sandatahan at air force ng India upang magsagawa ng search and rescue operations.

Ipinahayag naman ni Chief Minister Omar Abdullah na mabagal ang pagdating ng verified na impormasyon mula sa pinangyarihan ng trahedya, ngunit kinumpirma niyang seryoso ang sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Indian Meteorological Department, ang naturang insidente ay dulot ng cloudburst — isang matinding buhos ng ulan na umaabot sa mahigit 100mm sa loob lamang ng isang oras, na kadalasang nagdudulot ng biglaang pagbaha at landslide sa mga bulubunduking rehiyon tuwing tag-ulan.