TUGUEGARAO CITY-Inaasahang ilalabas ang resulta ng swab test ng 35 Locally Stranded Individuals (LSIs) at Authorized Persons Outside Residence (APOR)sa probinsya ng Batanes , bukas, Setyembre 29, 2020 o sa araw ng Miyerkules.
Una rito, sinabi ni Batanes Governor Marilou Cayco, dumating ang mga nasabing indibidwal sa Batanes lulan ng eroplano ng Air force nitong nakalipas na araw ng Martes.
Agad namang kinuhanan ng specimen ang mga ito nang makitaan ng sintomas ng Covid-19 ang dalawang pasahero na isang 20-anyos at 75-anyos.
Ayon kay Cayco, ipinadala na sa covid-19 testing center dito sa lungsod ng Tuguegarao ang mga kinuhang specimen para matiyak na hindi carrier ng virus ang mga dumating na residente.
Sa ngayon , nasa isolation unit na ang dalawang nakitaan ng sintomas ng virus habang ang iba ay nasa quarantine facility ng probinsya.
Mahigpit ang ginagawang monitoring ng nasabing probinsya sa mga dumarating na mga LSIs para mapanatili ang pagiging covid-19 positive free.