TUGUEGARAO CITY-Palaisipan pa rin hanggang sa ngayon sa mga otoridad kung anong klase ng kemikal ang nalanghap ng nasa 36 na estudyante ng Gadu National High School sa bayan ng Solana na sanhi ng kanilang pagkahilo at ang ilan ay nahimatay.
Ayon kay PSSGT. Joffrey Mabatan ng PNP Solana,biglang may nalanghap na kemikal ang mga grade 12 students mula sa hindi mabatid na lugar na sanhi ng kanilang pagkahilo.
Aniya, agad na dinala ang mga estudyante sa isang pribadong pagamutan sa lungsod ng Tuguegarao kung saan dalawang babae na lamang ang inoobserbahan hanggang sa ngayon.
Sinabi ni Mabatan, nang magtungo ang kanilang hanay sa lugar ay wala umanong kakaibang bagay at wala ring laboratory room na maaring pagmulan ng kemikal.
Dahil dito, sinabi ni Mabatan na maaaring mula rin sa mga estudyante ang naturang kemikal na naamoy ng mga biktima.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya maging ang nasabing paaralan para mabigyang linaw kung ano at saan nanggaling ang kemikal na sanhi ng naturang insidente.