TUGUEGARAO CITY-Nasa maayos ng kondisyon ang 37 katutubong Agta kabilang ang anim na menor-de-edad na nasagip ng PNP-Tuguegarao na magtutungo sana sa lungsod ng Maynila para sumali sa isasagawang rally kasabay ng Annibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law kapalit ng isang milyong piso kada pamilya.

Napigilan ng PNP-Tuguegarao ang mga Katutubong Agta sa Brgy. Buntun, kahapon matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa pagbyahe ng mga ito.

Ayon kay Police Major Ruben Verbo, Deputy Chief of Police ng PNP-Tuguegarao, base sa salaysay ng ilang katutubong Agta, nakilala lamang sa pangalang Onña at Barcena ang nag-recruit sakanila.

Aniya, mula sa bayan ng Gattaran ang 29 na katutubong Agtas at walo naman ang mula sa bayan ng Buguey.

Napag-alaman na bukod sa 37 katutubong Agta ay mayroon na umanong hindi pa mabatid na bilang ng mga Agta ang nauna nang nagtungo sa Maynila.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan para mapanagot ang nasa likod ng pagre- recruit.

Samantala, sa naging panayam naman kay Susan Barit, isa sa mga katutubong agta na na-recruit na mula sa Brgy Piña Este, Gattaran, isang beses lamang niyang nakausap si Onña upang sumali sa kanilang grupong Interim National People Initiative Council.

Ayon kay Barit,naenganyo siyang lumahok dahil sa laki ng halaga na makukuha at batay na rin sa paliwanag ni Onña na layon ng kanilang grupo na tumulong sa mga mahihirap.

Aniya, sinabi umano ni Onña na ang isang milyong piso na matatanggap nila ay isang maagang pamasko para sakanilang mga katutubong agta.

Sinabi ni Barit na umutang pa siya ng P2,000 sa kanyang kapitbahay para may gagamiting pamasahe papunta sa lungsod ng Maynila.

Tinig ni Susan Barit

Agad namang nakipag-ugnayan si Police Capt. Nelinda Maramag, hepe ng Women and Children Protection Desks (WCPD)ng PNP-tuguegarao sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mabigyan ng counseling ang anim na menor-de-edad na kasama sa mga nasagip.

Una na rin umanong nagbigay ng pagkain ang kanilang tanggapan para sa mga katutubo.

Kaugnay nito, sinabi ni Maramag na nakipag-ugnayan na sila sa Local Government Unit (LGU) ng Gattaran at Buguey para magsagawa ng monitoring para hindi na muling maulit ang naturang pagre-recruit.

Tinig ni Police Capt. Nelinda Maramag

Samantala, ilang mga katutubong Agta na rin ang naharang sa bayan ng Alcala, Cagayan na magtutungo rin sana sa lungsod ng Maynila para sa kaparehong aktibidad.