
Nakatanggap ng livelihood assistance mula sa Department of Labor and Employment o DOLE Cordillera sa ilalim ng “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers” o TUPAD ang 37 na dating mga rebelde sa Conner, Apayao.
Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Joricho Bayaua, ang ibinigay na tulong sa mga nasabing dating miyembro ng rebeldeng grupo ay naglalayon na makapamuhay ng maayos ang mga ito sa kanilang komunidad at magkaroon ng pagkakakitaan.
Bukod dito, sinabi niya na sa pamamagitan ng mga tulong sa mga dating rebelde ay tuluyan nang mawawala ang problema sa insurhensiya hindi lamang sa bayan ng Conner kundi maging sa buong lalawigan ng Apayao.
Kabilang sa hiling ng mga rebel returnees ay para sa hog raising, banana at dried frish retailing, sari-sari store, at vegetable gardening.
Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Bayaua na dahil sa nasabing inisyatiba ay maganda na ang peace and order situation sa kanilang bayan.
Patunay aniya dito ang unti-unting pag-unlad ng Conner kung saan ay marami na ang pumapasok na mga negosyo tulad ng mga bangko.
Samantala, nagpasalamat naman ang mga nakatanggap ng nasabing ayuda kung saan sinabi ni Maxima Padua na ito ang kauna-unahang pagkakataon na niyakap ng Apayao ang mga rebel returnees.
Kasabay nito, nanawagan siya sa kanyang mga kapawa rebel returness na nakatanggap ng tulong na gamitin ito sa tama.




