Hinuli ang nasa 38 na undocumented Chinese nationals sa isinagawang raid sa maliit na resort sa Moalboal, kilalang diving spot sa Cebu, na pinaghihinalaan na ginagamit na hub para sa illegal Philippine offshore gaming operator (Pogo).

Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang posibilidad na ang mga nasabing Chinese national ay bahagi ng grupo na sangkot sa Pogo operations na sinalakay sa Pampanga at Lapu-Lapu City sa Cebu nitong nakalipas na buwan.

Sinabi ni Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, bago lang na nanirahan sa resort ang mga nasabing Chinese.

Naniniwala siya na galing sa ibang lugar ang mga ito at lumipat sa Moalboal upang ipagpatuloy ang kanilang operasyon

Sinabi niya na hirap sila na makakuha ng iba pang impormasyon mula sa Chinese nationals dahil sa hindi umano sila marunong magsalita ng English.

-- ADVERTISEMENT --

Wala naman aniyang senyales na nakaranas ang mga ito ng pang-aabuso o torture.

Ayon naman kay Moalboal Mayor Inocentes Cabaron, inupahan ng grupo ang buong Happy Bears Resort sa Barangay Kalingking noong September 24.

Ang nasabing resort ay malapit sa marine sanctuary at white beach, may isang malaking bahay, tatlong apartments na may tig-dalawang silid, at pool.

Ayon sa mga otoridad, may nagbigay sa kanila ng impormasyon sa pananatili ng mga nasabing Chinese sa resort at nagtataka dahil hiniling ng mga ito na magkaroon ng high-speed internet sa isang maliit na resort.

Sinabi ni Mayor Cabaron, sinabi sa kanila ng pulisya na ang isang requirement para sa pagsasagawa ng Pogo activities ay high-speed internet.

Dahil dito, hiniling niya sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magsagawa ng fire inspection sa resort at sinabi ang kanilang findings sa Moalboal Police Station.

Napansin ng BFP inspectors ang maraming Chinese nationals na naninirahan sa resort na hindi umano marunong magsalita ng English nang kausapin nila ang mga ito.

Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad sa nasabing resort.