Tatlumpu’t walong indibidwal na biktima umano ng human trafficking ang nasagip sa Zamboanga City, kabilang sa kanila apat na menor de edad.
Nabatid na nakakuha ng impormasyon ang Department of Migrant Workers-Region IX tungkol sa human trafficking, kaya minanmanan nila at ng anti-trafficking task force ang ilang mga recruiter na dinala ang mga biktima sa isang wooden hull cargo vessel.
Sa pamamagitan ng “back door” o pagdaan sa Tawi-Tawi, dadalhin na raw sana ang mga biktima sa Sabah, pero naharang sila ng mga otoridad.
Walong babae raw ang may hawak ng pasaporte at may tourist visa papuntang China. Apat daw ang umaming magtatrabaho bilang domestic workers. Tatlong suspek na umano’y recruiters ang kasama.
Nasa kustodiya na ng Department of Social Works and Welfare-Region IX ang mga biktima. Ilan sa kanila planong sampahan ng reklamo ang mga recruiter.