Boluntaryong sumuko sa hanay ng 17th Infantry Battalion ang 38 taga suporta ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan.

Sinabi ni CAPT Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) 5th Infantry Division Philippine Army, na batay sa kanilang rebelasyon ay minabuti nilang sumuko dahil sa pangha-harass at panggigipit ng mga rebelde sa kanila.

27 sa mga sumuko ay mula sa Brgy. Alucao habang ang 11 ay mula naman sa brgy. Aridowen sa naturang bayan

Sinabi aniya ng mga ito na sila ay nagsisilbing courier o taga hatid mga pagkain at kagamitan ng mga NPA.

Isa pa umano sa rason ng pagsuko nila sa gobyerno ay ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng militar at ng mga NPA sa bayan ng Sta Teresita noong Setyembre 2021 na nagresulta sa pagkakasawi ng ilang miyembro ng NPA at pagkakakumpiska ng ibat ibang matataas na armas at pagkatapos ng engkwentro nitong Enero 29 ngayong taon sa Brgy. Sta Clara, Gonzaga.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Pamittan, sa ngayon ay tuluy-tuloy ang community support program ng militar sa mga NPA infected areas upang mabigyan sila ng tulong at makahikayat pa ng mga taga suporta at miyembro na magbalik loob na sa gobyerno.

Samantala, sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng militar kung may nasawi sa hanay ng mga NPA na nakasagupa sa bayan ng Gonzaga habang tiniyak din ni Pamittan na may mga nasugatan sa mga rebelde dahil sa nakitang mga bakas ng dugo mula sa pinangyarihan ng sagupaan.