TUGUEGARAO CITY- Nagbabala ang DOST-PAGASA na posibleng tataas pa ang mararanasang heat index sa lungsod ng Tuguegarao sa mga susunod na mga araw.

Ito ay matapos na maitala ang pinakamataas na heat index kahapon, May 1 na 39 °C ngayong 2022 sa lungsod.

Ipinaliwanag ni Romy Ganal, weather specialist ng DOST_PAGASA na ang heat index ang nararamdaman ng tao na init dahil sa pinaghalong temperatura at sa humidity o halumigmig, o kung gaano kabasa ang hangin.

Sinabi niya na ang pagsukat ng heat index ay nakukuha mula sa pag-aaral ng mga tela ng damit at kung paano pagpawisan ang tao.

Kaya kahit di gaanong mataas ang temperatura, posibleng mas matindi ang ramdam ng tao sa init dahil sa humidity o halumigmig.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na color- coded ang babala ng PAGASA ukol sa heat index.

Ang reen o caution kapag nasa 27-32 degree Celsius ang heat index kung saan puwedeng maramdaman kapag pagod kung bumabad sa init.

Yellow o extreme caution naman kapag nasa 32-41 degrees Celsius ang heat index kung saan puwedeng makaramdam ng heat cramps o heat exhaustion kapag babad sa init.

Orange o danger naman kapag nasa 41-54 degrees Celsius ang heat index kung saan mas posible ang heat cramps at heat exhaustion at mas posibleng ma-heat stroke kung tuloy tuloy ang aktibidad habang babad sa init.

Red o extreme danger naman kapag mas mataas na sa 54 degrees Celsius ang heat index kung saan asahan na ang heat stroke.

Payo ng PAGASA para sa mga nagtatrabaho sa labas, tiyakin na hydrated o sapat ang tubig sa katawan at sumilong kapag break.

Kapag nasa loob ng bahay ay i-check din parati ang mga matatanda at may sakit na walang aircon.

Wag din iiwan ang mga bata at alagang hayop sa mga kotse nang walang bantay at bawasan ang outdoor activities kapag tanghali hanggang hapon.