Dinala na kahapon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang apat na kumpirmadong positibo sa coronavirus (COVID-19) na mula sa lalawigan ng Kalinga.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC at nakatakdang kunan ng swab test ang mga bagong pasyente, ngayong araw.

Matatandaan na nag-negatibo sa second swab test ang isang kaso ng COVID-19 mula sa Apayao na isang midwife at inirefer ng Provincial Health Officer ng Apayao sa CVMC.

Gayunman, nilinaw ni Dr. Baggao na ang karagdagang apat na pasyente mula Kalinga ay nai-refer lamang sa CVMC at ito ay mapapabilang sa datos ng Cordillera Administrative Region at hindi sa rehiyon dos.

Samantala, sinabi ni Dr Baggao na negatibo na sa virus si patient 38 na isang 30-taong gulang o ang misis ng unang biktima ng virus sa bayan ng Alcala na negatibo na rin sa virus at ang isang 21-anyos na babae sa bayan ng Lal-lo.

-- ADVERTISEMENT --

Habang si Patient 39 na isang 37-anyos na babae ng Lal-lo na kasalukuyang nasa pangangalaga ng CVMC ay isasailalim sa pangalawang swab test ngayong araw.

Sa ngayon ang CVMC ay zero sa probable at suspect case at isa ang positibong kaso ng COVID-19 mula Region II at apat naman sa Cordillera Administrative Region.