Tuguegarao City- Ligtas na nakauwi ang 4 na guro matapos ang 2 araw na paglalakad sa matarik na kabundukan ng Sierra Madre mula sa Bolos Point Gattaran Cagayan.
Ito ay sa kabila ng walang biyahe ng bangka sa karagatang sakop ng Sta. Ana dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Vladimir Rapanan, Guro sa Bolos Point Elementary School, dalawang katutubong agta ang tumulong sa kanila at nagsilbing guide upang maglakad sa kabundukan pauwi sa kani-kanilang mga lugar.
Paliwanag nito, tatlong beses nilang sinubukang umuwi sakay ang bangka ngunit habang nasa gitna ng dagat sinasabi ng mga nakakasalubong nila na wala ng biyahe ang mga sasakyan sa Sta. Ana patungong Gattaran.
Nabatid na araw ng Huwebes Marso 19 ng magsimulang maglakad ang kanilang grupo at nakauwi noong Sabado ng Marso 21.
Inihayag pa ni Rapanan na habang nasa daan ng paglalakad ay umiinom sila ng gamot upang hindi magkasakit lalo na pagdating sa mga nakalatag na checkpoints.