Nanindigan ang Kamara na hindi ito kumilos nang may “bad faith” o panlilinlang sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte at lahat ay alinsunod sa Konstitusyon, sa internal rules at umiiral na jurisprudence.
Ito’y matapos punahin ni Atty. Ernesto Francisco Jr. ang paghihintay ng dalawang buwan ng Kamara bago i-consolidate ang mga reklamo upang maging fourth impeachment complaint.
Ayon kay House of Representatives Spokesperson, Atty. Princess Abante, walang “bad faith” sa pagsunod sa alituntunin lalo’t mismong ang Korte Suprema na sa ruling nito sa kaso ni VP Sara ang nagsabi na sinunod ang constitutional timelines.
Dapat aniyang maitama ang appreciation ng facts na base sa aktwal na records ng Kamara at ipaliwanag sa tulong ng motion for reconsideration na inihain sa Korte Suprema.
Iginiit din ni House Impeachment Spokesperson Atty. Audie Bucoy na walang nilabag ang Kamara dahil mayroong sampung session days para isama sa Order of Business ang mga reklamo.
Hindi umano unahan sa pag-file ang impeachment process dahil may discretion ang Kamara kung aling impeachment complaint ang may sustansya.
Binanggit ni Bucoy ang Francisco versus House of Representatives kung saan nilimitahan ng 2003 Supreme Court ruling ang impeachment sa isang proceeding bawat opisyal sa loob ng isang taon.
Tinukoy pa dito na ang initiation ay nagmumula sa pag-refer ng verified complaint sa House Committee on Justice at hindi sa paghahain pa lang upang maiwasan ang political abuse.
Binigyang-diin pa ni Bucoy na ang unang tatlong impeachment laban kay Duterte ay nailagay sa Order of Business ngunit hindi nai-refer sa Committee on Justice, samantalang ang ikaapat na complaint ay awtomatiko nang naging Articles of Impeachment alinsunod sa Saligang Batas matapos lagdaan ng mahigit one-third ng House members.