CTTO

TUGUEGARAO CITY-Hindi nagtagumpay ang apat na kabataan kabilang ang isang menor-de-edad sa pagtangay ng isang sasakyan matapos maibangga na sanhi ng kanilang pagkahuli sa bayan ng Iguig, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na si Ibrahim Lejos, Christian Balunsat ,kapwa 18-anyos , Jomar Barcelon, 21-anyos at isang 17-anyos habang ang biktima si Marcial Pelovello, 51-anyos , negosyante na pawang mga residente ng brgy Nattanzan.

Ayon kay Pcapt. Jeffrey Canay, Chief of police ng PNP-Iguig, nagtungo ang biktima na may-ari ng kotse sa himpilan ng pulisya nitong gabi ng Mayo 17,2020 para ipagbigay alam na nawawala ang kanyang sasakyan.

Agad namang inalerto ang mga kalapit na PNP-station para hindi makalusot at mahuli ang mga suspek.

Makalipas ang dalawang oras, tumawag ang barangay captain ng Brgy Sta Barbara sa kaparehong bayan kung saan isang aksidente ang naganap sa kanyang nasasakupang lugar na kinasangkutan ng mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Bumangga ang sasakyan sa kawayan na minaneho ni Ibrahim kung saan maswerteng walang tinamong sugat ang apat matapos ang aksidente.

Kaugnay nito, sinabi ni Canay na walang naipakitang dokumento ang mga suspek kung kaya’t kanilang ipinatawag ang biktima at positibo naman niyang sinabi na iyon ang nawawala niyang sasakyan.

Una rito, may pinuntahan umano ang biktima sa kaparehong araw ngunit laking gulat nito nang hindi na niya nadatnan ang kanyang sasakyan na nakapark sa harap ng kanilang bahay.

Nabatid, na ilang araw nang napansin ng biktima na nawawala ang kanyang susi ngunit binalewala lamang niya ito dahil sa pag-aakalang nasa loob lamang ng kanilang bahay.

Sa ngayon, nakakulong na ang tatlong suspek na nahaharap sa kasong carnapping habang nasa pangangalaga lang ng PNP-Iguig ang menor-de-edad.

Tinig ni P/capt Jeffrey Canay