Kumpirmadong namatay matapos madapuan ng sakit na anthrax ang apat na kalabaw sa bayan ng Santo Niño, Cagayan kamakailan.
Ito ang kinumpirma ng Department of Agriculture (DA)-Region 2, matapos magkaroon ng impeksyon ang dalawang residente makaraang kumain ng infected na karne ng kalabaw.
Sinabi ni DA-Region 2 Regional Executive Director Rosemary Aquino na noong Setyembre 21, unang naobserbahan ang mga sintomas ng anthrax sa mga kinatay na kalabaw dahil sa mga sugat sa balat bago ito namatay.
Gayunman, hindi ito agad naiulat sa DA at hindi pinansin ng mga magsasaka na nag-aakalang ito ay mga simpleng sakit ng hayop.
Pinayuhan ng Agriculture department ang mga magsasaka na huwag ubusin ang karne ng mga patay na hayop na hinihinalang may anthrax.
Ang mga ito ay dapat na ilibing kaagad upang maiwasan ang posibleng pagkalat sa ibang mga hayop o tao.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ang DA, Department of Health (DOH) at Provincial Health Office sa Brgy. Matalao, Santo Niño, Cagayan ng pagbabakuna sa mga kalabaw na may edad anim na buwan pataas dito para maiwasan ang pagkalat nito.
Sa pagsusuri na isinagawa ng Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory gamit ang Real-Time Polymerase Chain Reaction (RT-PCR), lumabas na ang mga nahawahang hayop ay hindi pa nabakunahan laban sa sakit.
Makikipagtulungan din ang PHO sa mga lokal na awtoridad upang magpatupad ng isang information campaign na magpapalaganap ng kaalaman sa publiko hinggil sa panganib ng anthrax at mga paraan upang maiwasan ito.
Hinimok naman ni Aquino ang mga magsasaka na mag-ulat ng mga sintomas ng anthrax. Idinagdag niya na ang mga kinauukulang ahensya at ang local government unit ay naghigpit sa transportasyon at pagbebenta ng karne ng kalabaw sa labas ng bayan.
Kasalukuyang nagsasagawa ng matinding surveillance at monitoring ang DOH at ang Cagayan Provincial Health Office sa posibleng anthrax infection sa mga tao dahil humigit-kumulang 141 residente ang bumili ng karne mula sa mga infected na kalabaw.
Labindalawang hinihinalang kaso ng human anthrax infection ang naitala sa Cagayan at tatlo ang kinumpirma ng DOH noong Disyembre 2022. Ito ang huling nangyari sa lugar sa loob ng dalawang taon.
Ayon sa Centers for Disease Control, ang anthrax ay isang malubhang sakit na karaniwang sanhi ng Bacillus anthracis bacteria na natural na matatagpuan sa lupa sa buong mundo.
Dagdag pa nito, karaniwang nakaaapekto ito sa mga hayop at ligaw na hayop at ang mga tao ay karaniwang nagkakasakit ng anthrax kung sila ay nakipag-ugnayan sa mga nahawahang hayop o mga kontaminadong produkto ng hayop.