Apat na katao na nagsasagawa ng optical mission ng walang permit ang dinakip matapos ang isinagawang entrapment operation ng mga otoridad sa Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay PCPL Bryan Cabie ng PNP-Gonzaga, ang naturang operasyon ay nag-ugat sa sumbong ng Integrated Philippine Association of Optometrists (IPAO), Inc. Cagayan Valley Chapter kaugnay sa nakatakdang optical mission ng naturang grupo na walang permit.

Kinabukasan, sumugod ang mga operatiba ng pulisya sa Brgy Progressive na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek na pawang mga nasa tamang edad at residente ng Bulacan at Caloocan City.

Sinabi ni Cabie na isang operatiba ang nagpanggap na kustomer para sa eye check-up at nagbigay ng paunang bayad na P500 para sa eye glasses na nagkakahalaga ng P1,500.

Bukod dito, nakumpiska rin sa mga suspek ang humigit-kumulang P15K na halaga ng ibat-ibang optical instruments, eyeglasses, at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Kasong paglabag sa R.A. 8050 o ang Revised Opto­metry Law of 1995 ang ki­nakaharap ng mga suspek na ikatlong beses nang nahuli dahil sa kahalintulad na illegal practice ng optometry sa Nueva Vizcaya at Ilocos.