TUGUEGARAO CITY-Huli ang apat na katao matapos makumpiskahan ng mga baril na walang kaukulang dokumento mula sa magkakasunod na operasyon ng PNP-Solana.
Ayon kay P/capt Jun Jun Balisi, hepe ng PNP-Solana, hinalughog ang bahay ng mga suspek sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte.
Aniya, unang hinalughog ang bahay ni Charles Pascual, 57-anyos ng Barangay Sampaguita kung saan nakumpiska ang isang calibre 9mm na may isang magazine na may laman na 13 bala , isang caliber 8mm na may magazine na walang bala, dalawang pares ng hand grip ng caliber 45 at apat na bala ng 9mm.
Nakumpiska rin kay Jellomante Carpio , 28-anyos, negosyante at residente rin sa Barangay Sampaguita ang dalawang magazine ng caliber 45 na kargado ng pitong bala.
Sa kapareho pa ring operasyon, nakumpiska kay Emidio Turo, 34-anyos ng Barangay Ubong ang isang caliber 38 na may tatlong bala, tatlong libong piso at dried marijuana na nagkakahalag ng P200.
Nakuha rin kay Virgilio Agustin, 52-anyos ng Barangay Sampaguita ang isang unit ng calibre 45, dalawang magazine, anim na bala na nakalagay sa sling bag.
Sa ngayon, hawak na ng PNP-Solana ang mga nakumpiskang gamit maging ang mga nahuling indibidwal na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10951 o illegal possession of fire arms and ammunition.
Kaugnay nito, binalaan ni Balisi ang mga may hawak na baril na walang kaukulang dokumento o hindi pa naire-renew ang kanilang permit na isuko na lamang sa kanilang himpilan ang mga ito dahil sila na ang susunod na target sa kanilang mga operasyon.