Apat na katao ang hinuli ng kapulisan at sinampahan ng kaso sa paglabag sa Omnibus Election Code ng Commission on Elections (COMELEC) kasabay ng pagsisimula ng implimentrasyon ng gun ban sa magkahiwalay na lugar sa Cagayan Valley.
Ayon kay PMAJ Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Police Regional Office II, unang nahuli ang isang magsasaka sa pagpaputok ng kanyang cal. 45 na baril sa isang bar sa Brgy Lublub, Alfonso CastaƱeda, Nueva Vizcaya noong madaling araw ng Enero-12.
Sunod na nahuli ang tatlong security personnel na nagre-refill ng mga pera sa mga ATM Machines sa ibat ibang lugar sa Rehiyon matapos makita ang 2 shotgun sa loob ng kanilang sasakyan sa Comelec Checkpoint sa Jones, Isabela.
Patungo umano sila sa Aurora, Isabela nang mapadaan sa Checkpoint sa bayan ng Jones.
May ipinakita naman umano silang papeles para sa certificate of exemption ngunit hindi pa ito aprubado dahil nasa proseso pa lamang sila ng application kaya naman inaresto ang mga ito.
Paliwanag naman ng mga suspek na ang mga dala nilang baril ay para sa security purposes lamang dahil kinakailangan nilang magdala ng malalaking halaga ng pera sa kanilang trabaho at rehistrado ang mga bitbit nilang baril.
Gayunman, iginiit ng pulisya na ang pagdadala ng baril sa pampublikong lugar nang walang certificate of exemption mula sa Comelec ay paglabag sa Election Gun Ban.
Samantala, binigyang-diin ni Mallillin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko sa mga otoridad sa panahon ng mga operasyon ng checkpoint at tiniyak sa publiko na susundin ng mga tauhan ng pulisya ang mga itinatag na protocol at itaguyod ang mga karapatan ng mga mamamayan.