
Iniulat ng pamunuan ng Quiapo Church na may apat na nasawi sa isinagawang Traslacion 2026.
Naitala ang bilang ng mga namatay mula nang makarating ang andas ng Poong Jesus Nazareno sa Quiapo Church matapos ang halos 31 oras na prusisyon mula sa Quirino Grandstand.
Sa kabila nito, tinaya ng Philippine National Police na naging maayos at mapayapa sa kabuuan ang Traslacion ngayong taon.
Wala umanong naitalang seryosong insidente kaugnay ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan, bagama’t may mga naunang ulat ng pandurukot mula sa ilang deboto.
Batay sa datos ng Quiapo Church, umabot sa 1,057 ang kabuuang medical cases na naitala sa buong pagdiriwang.
Nilinaw rin ng mga opisyal ng simbahan na ang photojournalist na pumanaw habang nagko-cover ng prusisyon ay hindi kabilang sa bilang ng mga nasawi sa mismong aktibidad.
Samantala, iniulat ng Philippine Red Cross na 849 na pasyente ang kanilang natulungan hanggang alas-7:30 ng umaga ng Sabado.
Sa bilang na ito, 19 ang kinailangang dalhin sa mga ospital para sa karagdagang gamutan, habang 2,204 deboto ang nabigyan ng welfare assistance sa loob ng 48 oras na operasyon sa ruta ng Traslacion.










