Apat na katao ang naitalang casualties dahil sa malawakang pagbaha at landslide na naranasan sa buong rehiyon dos.
Ayon kay Major General Pablo Lorenzo, commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, pawang pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay ng apat na biktima.
Sinabi ni Lorenzo, sinuong ng isa sa mga hindi pa nakikilalang biktima ang malalim na baha sa bayan ng Tumauini, Isabela kahit alam na nitong delikado dahil hinabol di umano niya ang kanyang flight papuntang Maynila.
Bukod dito, isa din ang naitalang patay sa Luna, Apayao at Ilagan city, Isabela nang tangkaing suungin ang rumaragasang baha.
Namatay naman ang isa pang biktima na mula sa bayan ng Pamplona, Cagayan nang mahulog sa malalim na bahagi ng baha habang lumilikas nang atakihin ng kanyang sakit na epilepsy na sanhi ng kanyang pagkalunod.
Bukod dito, dalawang katao ang naitalang nawawala sa Luna Apayao at Tumauini, Isabela matapos suungin ang baha.
Hanggang sa ngayon, sinabi ni Lorenzo na patuloy na pinaghahanap ang dalawang biktima.
Samantala, sinabi ni Lorenzo na umabot sa 126,000 indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad ngunit sampung porsyento na lamang nito ang nasa evacuation center matapos humupa ang tubig-baha.