TUGUEGARAO CITY-Overloading ang isa sa tinitignang dahilan nang pagbaliktad ng isang trailer truck sa Barangay San Lorenzo sa bayan ng Iguig, Cagayan.
Ayon kay PSSGT Jonard Claro, imbestigador ng kaso, papuntang Tuguegarao City ang trailer truck na kargado ng mais na minaneho ni Alex Villanueva kasama si George Baculi kapwa residente sa bayan ng Gattaran nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Dahil dito, bumaliktad ang truck at napunta sa kabilang linya ng kalsada kung saan nahagip ang isang tricycle at motorsiklo.
Nagtamo ng sugat ang tatlong katao na lulan sa tricycle na sina Ardel Almario na siyang driver nito at ang pasahero na sina Arnel Dalicun at Rica Pagulayan na pawang residente sa bayan ng Iguig.
Maging ang lulan sa motorsiklo na si Leo Balagan ng Brgy. Manalo, Amulung ay sugatan din kung saan agad silang isinugod sa Cagayan Valley Medical Center dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Maswerte namang walang tinamong sugat ang dalawang lulan ng trailer truck.
Nabatid na pagmamay-ari ni Jupiter Natividad ng Gattaran ang mga mais na karga ng trailer truck na nakatakda sanang ibenta.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng PNP-Iguig ang driver ng trailer truck at nahaharap sa kasong reckless imprudence damaged to property at physical injury.