Agad na kumunsulta sa pagamutan ang isang babae sa Taiwan matapos mamaga ang kanyang mata kung saan nadiskubreng may apat na bubuyog na naninirahan sa ilalim ng kanyang talukap.

Ayon sa pinuno ng Ophthalmology Department ng Fooyin University Hospital na si Hung Chi-ting, napansin niya na may paa ng insekto sa ilalim ng talukap ng kaliwang mata ng pasyente.

Nang isailalim sa microscope ang talukap ng babae, napag-alamang may mga sweat bees na namamahay malapit sa kanyang mata.

Ayon sa babae na kinilala lamang sa pangalang He,maari umanong nakuha niya ang mga bubuyog nang mapuwing siya habang binibisita ang puntod ng isang kamag-anak.

Madalas kasing naninirahan ang mga sweat bees malapit sa mga puntod at natumbang mga puno.

-- ADVERTISEMENT --

Natanggal naman ang apat na bubuyog mula sa mata ni He at ginamot ang tinamong impeksiyon.

Ayon sa mga doktor, buhay pa ang mga bubuyog nang tanggalin sa mata ni He at maaaring nabuhay ang mga ito sa pamamagitan ng pagsipsip sa luha ng babae.