Tuguegarao City- Nahaharap sa patung-patong na kaso ang 4 na kataong nahuli sa magkahiwalay na entrapment operasyon matapos magbenta ng overprice alcohol at hand sanitizer sa Cagayan.

Una rito, inaresto ng pinagsanib puwersa ng PNP Enrile at Cagayan Police Provincial Office ang mag-asawang sina Joven Laddaran, 31 at Rachel Laddaran, 26 kapwa residente ng Brgy. 2, Enrile Cagayan.

Sa panayam kay PCOL Ariel Quilang, dati na aniyang minamanmanan ng mga otoridad ang pagbebenta ng mga ito ng alcohol at sanitizer na may mas mataas na presyo kaysa sa Suggested Retail Price (SRP).

Nakuha mula sa kanila ang 5pcs ng tag-1 litrong ethyl alcohol na ibinebenta sa halangang P300 pesos at 2pcs ng hand sanitizer.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay sasampahan din ng kaso sina Felix Jerry Pagaddu, 46, may-ari ng Pharmacy, residente ng Lanna, Tumauini, Isabela at si Jovelyn Maggay, 29, pharmacy assistant at residente ng Caggay Tuguegarao City.

Ito ay matapos maaktuhan din sa pagbebenta ng mga alcohol sa mataas na presyo sa ikinasang operasyon ng mga otoridad sa Brgy. Carig Sur, Tuguegarao City.

Sa ngayon ay nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines, RA 3720 o Food and Drug Administration Act, RA 1146 o Batanihan Heal as One Act, RA 10175 o Cybercrime Prevention Act at paglabag sa umiiral na Enhanced Community Quarantine.