
Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 10 kababaihan, kabilang ang apat na menor de edad, mula sa sexual exploitation sa isang resort sa Laguna.
Arestado ng NBI Calabarzon ang isang lalaking suspek matapos niyang dalhin ang mga kababaihan sa mga undercover agent ng ahensya.
Isinagawa ang ilang linggong surveillance upang dokumentuhan ang kilos ng suspek, na umano’y nagre-recruit ng mga babae sa Laguna at nag-aalok ng kanilang sexual services sa mga customer kapalit ng P3,000 kada biktima.
Inilalagay din ng suspek ang larawan ng mga biktima online sa Facebook.
Apat sa mga biktima ay menor de edad at sinasabing paulit-ulit na nasasailalim sa sex trafficking.
Kasalukuyang nakadetention ang suspek sa opisina ng NBI Calabarzon habang kinakaharap ang kasong walang posibilidad ng piyansa.
Ang kaso ay nakabatay sa mga paglabag sa Republic Act 9208, na inamendahan kaugnay ng RA 10175, at sa RA 7610.
Batay sa datos ng International Justice Mission, mahigit 1,300 biktima ang nasagip sa Pilipinas noong 2024, 410 suspek ang naaresto, at 240 ang nahatulan. Ayon naman sa US-based National Center for Missing and Exploited Children, higit 1.7 milyong kaso ng online child sexual exploitation ang naitala sa bansa sa parehong taon.










