Apat na katao ang nasawi habang isa ang nawawala matapos sumiklab ang sunog kasunod ng isang pagsabog sa isang pabrika ng biskwit malapit sa lungsod ng Trikala sa gitnang Greece, ayon sa pahayag ng fire brigade noong Lunes.

Aabot sa 53 bumbero, na may suporta ng 16 na fire trucks at 10 iba pang sasakyan, ang rumesponde upang apulahin ang malawakang sunog na tumupok sa mga pasilidad ng pabrika.

Ayon sa kumpanya na may-ari ng pabrika, ang Violanta S.A., hindi pa malinaw ang sanhi ng pagsabog at sunog.

Sinabi ng fire brigade na walo sa 13 katao na nasa loob ng pabrika ang nakaligtas at nakalabas sa gusali.

Apat na bangkay ang narekober sa lugar, habang nagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa isang nawawalang.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa lugar na rin ang mga imbestigador at disaster response units upang alamin ang pinagmulan ng insidente.

Kinumpirma ng pinakamalaking unyon ng mga manggagawa sa Greece na GSEE na pawang mga babae ang apat na nasawi at nanawagan ito ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung may paglabag sa kaligtasan sa lugar ng trabaho.

Anim na katao, kabilang ang isang bumbero, ang dinala sa lokal na ospital at ginamot dahil sa mga problemang may kinalaman sa paglanghap ng usok.

Ayon kay Health Minister Adonis Georgiadis, wala sa panganib ang kanilang mga buhay.

Tiniyak naman ng Violanta S.A ang tulong at suporta sa mga nasawi at nasugatan.