Tinutugis pa ng mga otoridad ang apat sa pinaniniwalaang sangkot sa pamamaril-patay sa mag-live in partner sa loob ng isang pampasaherong bus sa Caranglan, Nueva Ecija noong November 15.
Sinabi ni PCAPT Franklin Sindac, information officer ng PNP Nueva Ecija na patuloy ang kanilang ginagawang follow-up operation laban sa apat pang katao na isiniwalat ng naaresto na umano’y sangkot sa nasabing krimen na si Allan Delos Santos.
Ayon kay Sindac, matapos maaresto si Allan Delos Santos dahil sa kanyang outstanding warrant of arrest sa kasong statutory rape at sexual assault sa Aurora, Isabela, limang araw matapos ang pamamaril, isiniwalat niya na ang utak ng pagpatay sa mag-live-in partner na sina Gloria Aquilliano, 60 anyos at Armand Bautista ay ang mismong anak ng babae na si Charlie Aquilliano, alyas “Tisoy” at kanyang live-in partner.
Batay sa extra-judicial confession ni Delos Santos, inupahan umano sila ni alyas Tisoy sa halagang P160K para patayin ang mga biktima.
Subalit, sinabi ni Sindac na P20K pa lamang umano ang naibigay sa kanila ni alyas Tisoy.
Idinagdag pa ni Sindac na pinangalanan din ni Delos Santos ang kasama niyang bumaril sa mga biktima subalit tumanggi muna siyang pangalanan ito habang inaalaman pa ang pagkakakilanlan ng driver ng kotse na ginamit nilang get-away vehicle.
Sinabi ni Sindac na galit ang nakikita nilang motibo ng sinasabing utak sa krimen matapos na sampahan ng kaso ni Ginang Gloria ang kanyang anak at kanyang live-in partner ng robbery at carnapping at ang sinasabing walang ipapamana ang ginang kay alyas Tisoy.
Nabatid na nakapagpiyansa ng P700K si alyas Tisoy sa mga nasabing kaso na isinampa ng kanyang ina.