Iniulat ng mga awtoridad sa Ukraine na apat ang nasawi, kabilang ang isang 12-anyos na bata, matapos ang malawakang pag-atake ng Russia gamit ang mahigit 600 missile at drone sa Kyiv at iba pang rehiyon nitong Linggo, Setyembre 28, 2025.

Higit 40 katao rin ang sugatan sa mga lugar ng Zaporizhzhia, Odesa, Sumy, Cherkasy, at Mykolaiv, kung saan tinamaan ang mga tirahan, isang cardiology center, at isang kindergarten.

Ayon kay Pangulong Volodymyr Zelensky, malinaw na layunin ng Moscow na ipagpatuloy ang digmaan at pananakot, kaya nanawagan siya ng mas mahigpit na hakbang mula sa mga kaalyado ng Ukraine.

Ipinakita rin niya ang mga larawang kuha mula sa mga nasusunog na gusali at guho, habang nagpapatuloy ang clearing operations at posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi.

Samantala, nagpalipad ng fighter jets ang Poland at nagtaas ng alerto sa kanilang air defense systems matapos lumapit ang mga pag-atake sa kanilang himpapawid.

-- ADVERTISEMENT --

Mariin namang itinanggi ng Russia na tinatarget nito ang mga sibilyan at iginiit na mga pasilidad militar lamang ang kanilang binomba, habang nananatiling nakadiskonekta sa grid ang Zaporizhzhia nuclear power plant na nagdudulot ng pangamba sa isang nuclear incident.