Halos hindi na makilala ang sunog na bangkay ng apat na katao matapos masunog ang sinasakyan nilang kotse na bumangga sa poste ng street lights sa Brgy Anquiray, Amulung, Cagayan noong gabi ng Sabado.
Kinilala ang mga sakay ng kotse na minaneho ni Nicole Molina, negosyante ng Brgy Centro; at ang tatlong tauhan nito na sina Oliver Taganna, Jr, Benjie Pascual; at Michael Indita, pawang mga nasa tamang edad at residente ng Brgy Estefania.
Ayon kay PLT Linda Domingo, deputy Chief of Police ng PNP-Amulung, natukoy lamang ang pagkakakilanlan ng mga biktima batay sa kuha ng CCTV camera sa pwesto ng kanilang pagkakaupo sa sasakyan nang sila ay sumakay at pauwi na.
Bago ang insidente, ay unang nirespondehan ng pulisya dakong alas 10:45 ng gabi ang nangyaring kaguluhan sa restaurant cafe na pagmamay-ari ni Molina sa Brgy Anquiray na agad namang napahupa.
Pagkatapos nito ay inihatid pauwi ni Molina ang kanyang mga tauhan at hindi pa man nakalayo ay bigla itong bumangga sa isang poste ng ilaw at dumiretso sa puno ng acasia.
Bunsod nang pagkakabangga, nag-spark ang wire at sumabit sa sasakyan na naging dahilan upang masunog ang kotse kasama ang mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang patakbo ng driver nang lumampas ito sa checkpoint.