Apat na porsiyento lamang ng mga Filipino ang naniniwala na nagawa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.na natupas niya ang isa sa kanyang pangunahing pangako noong panahon ng pangangampanya na ibababa ang presyo ng bigas.
Sa 2, 400 na sinurvey ng Pulse Asia sa pangako na ibababa sa P20 per kilo ang bigas, 4 percent lamang ang nagsabi na nagtagumpay ang Marcos administration.
Sa ibang banda, 32 percent ng respondents na nagsabi na napalakas ng Marcos administration ang turismo, 26 percent ang nagsabi na napanatili ang infratructure program, 24 percent ang nagsabi na naipagtanggol ang ating soberenya, 21 percent ang naniniwala na tumaas ang food production, at 19 percent ang nagsabi na may naipatayong renewable energy sources.
Matatandaan na noong April 2022, nangako si Marcos na ibababa niya ang presyo ng bigas kapag nanalo siya sa eleksion sa P20 per kilo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng price cap sa produkto.
Subalit, sa halip na bumaba ang presyo ng bigas, sinalubong ang administrasyon sa unang taon sa puwesto ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng mga gulay at sibuyas, na ayon sa mga mambabatas ay dahil sa hoarding na lumikha ng artificial shortage.
Sa kabila nito, hindi pa rin sumusuko ang administrasyon sa kanilang hangarin na maibaba sa P20 per kilo ang bigas, at tumutulong na rin ang mga kaalyado ni Marcos tulad ni House Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez na patuloy na naghahanap ng paraan para mapababa ang presyo ng pangunahing pagkain sa bansa.