Kinilala ng Baguio City Police ang apat na kadete ng Philippine Military Academy (PMA) bilang mga pangunahing suspek sa umano’y insidente ng hazing na kinasangkutan ng isang kapwa kadete sa loob mismo ng paaralan.

Ayon sa ulat nitong Linggo, dalawa sa mga suspek ay nasa ika-4 na klase, habang ang dalawa pa ay mula sa ika-1 at ika-2 klase.

Batay sa imbestigasyon, mula Setyembre 2 hanggang 29, 2024, nakaranas umano ng “physical abuse and humiliation” ang biktima, isang 4th class cadet, sa loob ng barracks.

Inilarawan ng biktima ang dinanas na pananakit bilang “animalistic tripping,” na kinabibilangan ng pananapak at labis na pisikal na pagpapagod.

Dahil dito, nawalan siya ng malay at kinailangang isugod sa isang ospital sa Quezon City para sa medikal at sikolohikal na gamutan.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang pagpapagamot, inilipat siya sa PMA Station Hospital at pinalabas noong Hunyo 30, 2025.

Patuloy namang hinihintay ang opisyal na pahayag ng Armed Forces of the Philippines at ng pamunuan ng PMA ukol sa insidente.