Gumuho ang isang apat na palapag na bahay na gawa sa light materials sa Barangay 684, Santiago Street, A. Linao, Paco, Maynila, nitong Miyerkules ng gabi, Hulyo 23, dahil sa patuloy na pag-ulan na dulot ng habagat.
Ayon kay Jay Reyes Dela Fuente, Director ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), tinatayang sampung pamilya ang naninirahan sa naturang istruktura na gawa lamang sa coco lumber.
Dahil sa paglambot ng lupa na kinatitirikan ng bahay, tuluyang nag-collapse ang nasabing gusali.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng MDSW upang magbigay ng agarang tulong at suporta sa mga apektadong pamilya. Sa kabutihang palad, walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente.
Sa ngayon, pansamantalang nanunuluyan ang mga pamilyang naapektuhan sa isang multi-purpose hall habang inaalam pa ang iba pang pangangailangan ng mga ito.
Tiniyak naman Dela Fuente na magkakaloob ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga biktima.