Sinanay ang 40 mga forest officers mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 kung paano maiwasan at masugpo ang sunog sa kagubatan kung sakaling mangyari ang insidenteng ito sa mga kagubatan kabilang sa mga reforestation area at plantation establishments.

Ang dalawang araw na pagsasanay na isinagawa sa Ecological Park and Training Center sa Aritao, Nueva Vizcaya ay nakapagbigay ng kakayahan sa mga kalahok kaugnay sa tamang pamamahala, pag-iwas, at pagkontrol ng sunog sa kagubatan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Giovannie Magat ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa lahat ng stakeholder sa pagprotekta sa ating mga yamang kagubatan.

Tinalakay naman ni Forester Aquino Caramat Jr., Municipal Administrator ng bayan ng Sta. Fe ang iba’t ibang istratehiya sa pag-iwas at pagkontrol ng sunog sa kagubatan at wastong paggamit ng mga kagamitan sa paglaban sa sunog sa kagubatan.

Samantala, tinalakay ng mga opisyal mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga patakaran ng estado, legal na batayan, pagsasagawa ng pagsisiyasat sa sunog, at iba pang protocol ng proteksyon sa sunog kabilang ang mandato ng BFP sa pagtugon sa mga sunog sa kagubatan.

-- ADVERTISEMENT --

Nagsagawa din ng simulation ng forest fire sa isang kontroladong lugar para magamit ng mga learners ang iba’t ibang teorya at pamamaraan kung sakaling magkaroon ng insidente ng sunog sa kagubatan.

Binigyang-diin naman ni Forester Joel Daquioag, Enforcement Division Chief, ang agarang paghahanda ng DENR Fire Prevention Plan para pangalagaan ang mga kagubatan mula sa insidente ng sunog.