Umaabot na sa 40 na ang nakuha na mga katawan, kabilang ang ilang bahagi ng katawan ng tao sa nagpapatuloy na recovery operation sa Potomac River sa Washington, DC, matapos ang banggaan ng isang passenger jet at US militay Black Hawk kahapon.

Naniniwala ang mga awtoridad na nakuha nila ang lahat ng katawan ng mga kayang abutin ng emergency teams subalit naniniwala sila na may mga naiwan pa sa loob ng buntot ng eroplano, na hindi pa kayang abutin sa ngayon.

Kabilang sa hindi pa nakukuha ay ang katawan ng dalawang sundalo na sakay ng helicopter

Nababahala din ang mga ito sa posibilidad na hindi lahat ng mga sakay ng eroplano ay makikita.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nakuha na rin ng mga awtoridad ang isa sa flight data recorders, na mas kilala na black box, mula sa CRJ 700, ayon sa tanggapan ni Senator Maria Catwell ng Washington.

Kaugnay nito, plano ng National Transportation Safety Board (NTSB) na suriin ang flight data recorder sa kanilang laboratoryo na malapit lamang sa pinangyarihan ng insidente, habang ang recorder ng helicopter ay pag-aaralan ng NTSB o ng Department of Defense sa ilalim ng shared agreement.

Inaasahan na makakatulong ang nasabing recorders para malaman ang sanhi ng nasabing insidente.

Batay sa preliminary Federal Aviation Administration (FAA) report sa nasabing banggaan, natuklasan na hindi umano normal ang staffing sa air traffic control tower sa Reagan Washington National Airport (DCA) dahil sa dami ng air traffic sa oras nang mangyari ang insidente.

Nakasaad sa report, karaniwan na may controller ang tower na para lamang sa helicopter traffic.

Subalit, naobserbahan na noong mangyari ang banggaan, iisa ang controller sa DCA na namamahala sa aktibidad ng eroplano at helicopter.

Gayunman, nakasaad sa guidelines ng FAA na pinapayagan ang pagsasama ng dalawang trabaho para sa isang controller lamang.