TUGUEGARAO CITY-Matagumpay na nabakunahan ang 40 health workers ng Police Regional Office no. 2 (PRO-2) matapos itong isagawa kahapon, Marso 8,2021 kasama ang kinatawan ng Department of health (DOH)-region 2.
Ayon kay Pcol. Jonard De Guzman, chief ng regional health services unit ng PNP-Region 2, mula sa kabuuang 57 na inisyal na bilang ng mga nagparehistro ay 40 lamang ang nabakunahan ng sinovac vaccine.
Aniya, ang mga hindi nabakunahan ay may mga health issues katulad ng mataas na presyon ng dugo, hypertension, migraine, sipon, nahihilo at iba pa.
Sinabi ni De Guzman, tumanggi ang nagsasagawa ng vaccination na bakunahan ang 17 indibidwal dahil sa pangambang lalo pang lumala ang iniindang sakit.
Gagawin naman sa ibang araw ang pagbabakuna sa mga hindi kwalipikado at muling isasailalim sa assessment para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Samantala, wala naman umanong naramdamang adverse effect ang mga nabakunahan kasama na si De guzman.
Sinabi ni De Guzman na tanging pagiging matamlay lamang ang kanyang naramdaman pero giit nito na maaring sanhi ng kakulangan niya ng tulog dahil sa kanyang trabaho.
Nakatakda namang muling bakunahan ang 40 health workers para sa second dose ng bakuna pagkatapos ng 28 araw.