Nailigtas ng mga pulis ng Malaysia ang 402 na mga bata at teenagers na pinaghihinalaan nila na nakakaranas ng physical at sexual abuse sa 20 care homes.
Ayon kay Police Inspector-General Razarudin Husain, ang mga biktima, na edad isa hanggang 17, ay nagtiis umano sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso, kung saan ang iba ay pinipilit sa sexual acts sa ibang mga bata.
Inaresto ng mga pulis ang 171 suspects, kabilang ang religious teachers at caretakers.
Sinasabing ang care homes ay may kaugnayan umano sa prominenteng Islamic conglomerate.
Ang pagsalakay ng mga awtoridad sa 20 welfare homes sa mga estado ng Selangor at Negeri Sembilan ay bunsod ng mga report ng child exploitation, molestation at sexual abuse sa pasilidad sa Negeri Sembilan state.
Sinabi ni Inspector Razarudin sa isang press conference na ang ilan sa mga suspek, na edad 17 hanggang 64 ay inaabuso umano ang mga bata, at sinabi na ito ay bahagi umano ng religious treatment.
May ibang bata din na inuutusan na gumawa ng sexual acts sa mga kapwa nila mga bata sa nasabing welfare home.
Pinaparusahan din umano ang mga bata gamit ang pinainit na metal objects at ang mga nagkakasakit ay hindi dinadala sa mga ospital hanggang sa lumalala ang kanilang kundisyon.
Sinabi ni Razarudin na pansamantalang mananatili sa police centre sa Kuala Lumpur ang mga bata at isasailalim sila sa health checks.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat, marami sa mga bata ang dinadala ng kanilang mga magulang sa mga care homes para sa kanilang religious education.